Nina Mary Ann Santiago at Leonel Abasola

Binasag na ng broadcaster na si Erwin Tulfo ang kanyang pananahimik hinggil sa P60-milyon tourism advertisement sa PTV-4, na kinukuwestiyon ngayon ng Commission on Audit (CoA), at nagresulta pa sa pagbibitiw sa puwesto ng kapatid niyang si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo.

Ayon kay Erwin, hindi niya alam ang puno’t dulo ng isyu dahil hindi naman siya kasama sa negosasyon o pirmahan ng kontrata sa pagitan ng DoT, PTV-4, at Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI).

“Lilinawin ko lang na hindi ako isa sa may-ari, opisyal, o producer ng BMUI at walang kinalaman sa mga operasyon nito,” ani Erwin. “Tulad ng mga ordinaryong empleyado nito, isa lang rin akong talent o casual employee ng BMUI ni Ben (Tulfo), at kagaya rin ng isa pang anchor nito na si Alex Santos.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Erwin na handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon sa isyu.

Kaugnay ng pagdinig ng Senado sa paggastos ng pondo ng DoT, sinabi ni Sen. Nancy Binay na ipatatawag din niya ang aktor na si Cesar Montano, dahil ang pinamumunuan nitong Tourism Promotions Board (TPB) ay nasa ilalim ng kagawaran.