Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Kinilala ng Forbes Magazine si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ika-69 sa 75 pinakamakakapangyarihang tao sa mundo ngayong 2018.

Ito ay kasunod ng pagkakasama ni Duterte sa TIME Magazine bilang isa sa “strongmen” leaders sa mundo.

Sa website nito, nilinaw ng Forbes na isa lamang sa 100 milyong tao ang pinili nila “whose actions mean the most”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinukoy ng Forbes ang pagkapanalo ni Duterte noong nakaraang 2016 elections na nag-ugat sa pangako nito sa publiko na wawakasan ang kriminalidad at ilegal na droga sa bansa.

Agaw-atensyon din sa Forbes ang mga patutsada at “raw and vulgar vocabulary” ni Duterte laban sa mga kritiko nito.

Nanguna sa listahan ngayong taon ang “good friend” ni Duterte na si Chinese President Xi Jinping, pinatalsik ang apat na magkakasunod na taong nanguna at ngayon ay pumapangalawa sa kanyang si Russian President Vladimir Putin.

Kasunod ni Putin sina US President Donald Trump, German Chancellor Angela Merkel, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, French President Emmanuel Macron, North Korean President Kim Jong-un, at South Korean President Moon Jae-in.

Pasok din sa listahan sina Pope Francis, ang Facebook founder na si Mark Zuckerberg, sina Apple CEO Tim Cook, Tesla CEO Elon Musk, Walt Disney CEO Bob Iger, Google CEP Larry Page, at ang Microsoft founder at pilantropong si Bill Gates