Ni Bella Gamotea
Isinusulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) ang “competency certification systems” para sa mga magsasaka sa Southeast Asia.
Isinagawa ang TESDA-SEARCA “Regional Workshop on Competency Certification for Agricultural Workers in Southeast Asia”, sa SEARCA Headquarters, sa Los Baños, Laguna, simula Mayo 9 hanggang 10.
Sinabi ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong, na magkatuwang ang TESDA at SEARCA sa pag-organisa sa dalawang araw na workshop para isulong ang pagkilala sa competency certifications ng mga magsasaka.
Ang resulta ng workshop ay ipipiresinta sa 4th High Officials Meeting on Southeast Asia Technical and Vocational Education and Training (SEA-TVET), sa Setyembre 4-5.
Lumahok sa workshop ang mga delegado mula sa 11 kasaping bansa ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) na binubuo ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, Timor Leste, at Vietnam.
Nagsilbing resource speakers at panelists ang mga kinatawan mula sa International Labor Organization (ILO), ASEAN Qualifications Referencing Framework (AQRF) Committee, SEAMEO VOCTECH, samahan ng mga magsasaka, at competent bodies mula sa Indonesia, Pilipinas, Thailand, Vietnam at Malaysia.
Agrikultura ang itinuturing na “backbone” ng ekonomiya ng maraming bansa sa Southeast Asia, na tinatayang 450 milyong katao ang umaasa sa ganitong hanapbuhay.