Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

12:30 n.h. -- EAC vs NU

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

2:15 n.h. -- FEU vs JRU

4:30 n.h. -- Lyceum vs Letran

7:00 ng. -- UP vs Gilas cadets

TARGET ng Far Eastern University na mapatatag ang kapit sa liderato sa Group B sa pagsagupa sa Jose Rizal University sa pagpapatuloy ng Filoil Flying V Premier Cup.

Liyamado ang Tamaraws na matikas sa unang dalawang laro, habang sadsad ang Heavy Bombers sa 0-2 sa kanilang duwelo ganap na 2:15 ng hapon.

Huling tinalo ng Tamaraws ang National University nitong Biyernes habang nalasap ng JRU ang ikalawang sunod nilang kabiguan sa kamay ng College of St. Benilde nitong Abril 29.

Mauuna rito, mag-uunahan namang makapasok ng winners circle sa Group A ang Emilio Aguinaldo College at National University na kapwa wala pang naipapanalo matapos ang tatlong laro sa kanilang pagtutuos ganap na 12:30 ng hapon.

Huling natalo ang Bulldogs sa kamay ng Tamaraws nitong Mayo 4 habang nalasap ng Generals ang ikatlong pagkatalo sa kamay ng University of the East Red Warriors nitong Mayo 2.

Sa ikatlong laban, magsasagupa ang magkapitbahay na koponan sa Intramuros na Lyceum of the Philippines at Letran ganap na 4:30 ng hapon. Kapwa may markang 1-2 ang dalawang koponan at kasalukuyang magkatabla sa 5th spot ng Group B.

Sa tampok na laro, tatargetin naman ng 23 for 2023 o Gilas Pilipinas cadets na maitala ang ikalawang sunod na panalo makaraang magwagi sa ika-4 nilang laro kontra University of Perpetual Help sa pagsabak nila kontra University of the Philippines ngayong 7:00 ng gabi.