Ni REGGEE BONOAN

INAMIN ni Direk Jason Paul Laxamana na isa si Elmo Magalona sa mga pinagpilian para maging leading man ni Janella Salvador sa latest film niyang So Connected na siya mismo ang nagsulat at nagdirek.

Sa solong panayam namin kay Direk Jason Paul pagkatapos ng presscon ng So Connected, inalam namin kung personal choice niya si Jameson Blake bilang bagong kapareha ni Janella at kung bakit hindi na lang si Elmo.

“Nang i-pitch ko itong So Connected sa Regal, ang unang napili si Janella, ‘tapos pinag-usapan namin ni Manny Valera, manager ni Janella kung sino ‘yung mga bagay. Nag-list down kami, siyempre hindi ko babanggitin kung sinu-sino ‘yun at si Jameson ang napili namin. Kasi, well, ako personally, directly nakatrabaho ko na siya sa Cool To Be 4Gotten (2016 Cinema One Originals), ako ‘yung sumulat ng script. Saka si Jameson kasi parang shy guy at bagay doon sa role kasi ganu’n ‘yung character nu’ng guy sa movie.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Well, I don’t deny, kinonsider din si Elmo kasi ‘pag nag-Elmo kami (ulit), it would be sort of kapareho lang ‘yung sa #Y (2014), eh, gusto ko kasi sa mga films ko, may ginagawang bago ‘yung actors ko,” paliwanag ni Direk JP.

Kahit nakailang pelikula na si Jameson at nakatanggap na ng dalawang awards bilang Best Supporting Actor sa Cool To Be 4gotten at New Movie Actor for the Year para sa nasabi ring pelikula, aminado ang aktor na marami pa rin siyang dapat malaman.

“Aminado mismo si Jameson na marami pa siyang kulang,” kuwento ni Direk Jason Paul. “Ako rin naman, pero that’s one thing na gusto ko sa kanya, he is aware na wala pa siya ro’n. He’s very inquisitive, marami siyang tanong para makuha niya ‘yung kailangang gawin (sa eksena).”

Madaling makakuha ng instructions si Jameson, ayon mismo ay Direk Paul. At ang tanging problema lang ng aktor ay, “Language barrier kasi hindi siya masyadong marunong magsalita ng Tagalog, may mga accent siya o minsan may mga expressions na hindi siya familiar so ‘pag sinabi niya, hindi masyadong natural,” pahayag ng direktor na sikat sa millennials at isa sa mga paborito ng Regal.

Kaliwa’t kanan ang mga pelikula ni Jameson, hindi kaya ito pagsawaan agad ng moviegoers?

“Nandidiyan ‘yung possibility nu’n, of course, nasa kanya naman ‘yun, siguro nasa pagpili niya ng projects. I would advise him na sana ‘yung pagpili niya ng projects, level-up lagi from the one he did before.

“It’s a nice learning experience naman kung ganu’n ‘yung gawin niya, na he should pick his projects (wisely) para markado ang bawat pelikula.”

Hindi lang sa Regal Films mabenta si Direk Jason Paul na may gagawin uling pelikula sa Viva Films na The Day After Valentines ang titulo na pagbibidahan ulit nina JC Santos at Bela Padilla na naidirihe niya sa box office hit na 100 Tula Para kay Stella.

“May Maja (Salvador) at Zanjoe (Marudo) rin akong ginagawa sa Star Cinema, To Love Somebody,” say ni Direk JP.

Tulad ni Jameson, strike while the iron is hot din ang panuntunan ni Direk JP. Naniniwala siya na pana-panahon din ang buhay-pelikula.

Habang malakas kumita bilang scriptwriter at direktor ay nakabili na siya ng malaking lote sa probinsiya nila na pagtatayuan niya ng bahay para sa magulang niya.

“Oo, kailangang mag-invest na. Kakalipat ko lang sa condo na nabili ko, katas ng pelikula. Pangarap ng nanay ko na magkaroon kami ng sariling bahay sa Pampanga. Umuwi sila from US nu’ng Christmas, bumili ako ng lupa, hindi pa totally bayad, pero at least may pinupuntahan ‘yung ‘yung kinikita. Business na lang ang kulang,” napangiting sabi ni Direk JP.

Mapapanood na ang So Connected simula sa Mayo 23.