Ni Orly L. Barcala
Pinosasan sa loob ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang factory worker nang madiskubre na carnap vehicle ang ipinarerehistro nito sa Valenzuela City kahapon.
Nagtungo s i Michael Comia, nasa hustong gulang, ng Block 57, Lot 2, Luisita, Bagumbong, Caloocan City, sa LTO Valenzuela Satellite Office upang iparehistro ang Yamaha Sniper motorcycle (T-135), bandang 10:00 ng umaga.
Pagdating sa opisina ni LTO head Fe N. Casacante, lumabas sa record na nakaw ang motorsiklo at nakapangalan kay Felimon Lipio, ng Doña Aurora Street, San Roque, Angono Rizal.
Dahil dito, nagpasaklolo si Casacante kay Police Chief Inspector Rhoderick Juan, head ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), at pinosasan si Comia.
Ayon kay Comia, binili niya ang motorsiklo sa isang kaibigan, sa halagang P5,000, ngunit tumangging magbanggit ng pangalan.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa PD 1612 (Anti- Fencing Law), Falsification of Publics Documents, at R.A. 10883 (Anti Carnapping Law of 2016) sakaling mapatunayang siya ang nagnakaw ng motorsiklo.