Ni Mary Ann Santiago
Sa rehas ang bagsak ng isang ginang matapos hindi magbayad sa kinainang restaurant sa Malate, Maynila kamakalawa.
Kasong estafa ang kakaharapin ng suspek na si Maria Criselda Candona, ng 104 Road One, Bagong Pag-asa, Quezon City matapos na ireklamong kumain, na umabot sa halagang P1,768.50, sa isang kainan sa Malate ngunit wala naman palang pambayad.
Agad ipinaaresto ni Aljon Mendoza, 27, branch manager, ang suspek sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD)- Station 9.
Ayon kay Mendoza, pumasok ang suspek sa establisyemento at saka umorder ng pagkain, dakong 8:00 ng gabi.
Gayunman, matapos ubusin ang in-order na pagkain ay tinawag nito ang manager at sinabing wala siyang pambayad.
Ipinagmalaki pa umano ni Candona na empleyado siya ng gobyerno, kaya hindi bawal kumain nang hindi nagbabayad.