Ni Dave M. Veridiano, E.E.
HINDI nababagay sa magiging bagong puwesto niya bilang pinuno ng Bureau of Correction (BuCor) ang kareretiro lang na Chief, Philippine National Police (CPNP) na si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, kung totoo ang kuwentong nasagap ko hinggil sa tunay na dahilan nang pagbibitiw ng dating pinuno ng kontrobersiyal na posisyon na nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ).
Diretsahang masasabi ko na magiging katulad si “Bato” ng mga kakilala kong dating opisyal ng gobyerno, na sa pag-aambisyong makapasok sa magulo ngunit makulay na mundo ng pulitika, ay tumanggap ng “tulong” mula sa mga sindikatong nagnanakaw sa kaban ng bayan, kapalit nang patuloy na pamamayagpag ng mga ito sa departamentong kanilang hinuhuthutan at pinagsasamantalahan.
Totoo – napakarami ng mga ganitong ambisyosong tao sa gobyerno na ngayon ay mga nahalal na pulitiko sa bansa, at dahil ang malaking bahagi ng ginastos nila sa kampanya ay galing sa mga sindikato na nag-ooperate sa mga departamentong gaya ng Immigration, Custom, PNP, NBI at marami pang iba – ang mga pulitikong ito naman ang nagiging protektor ng mga “big boss” ng sindikato kapag nagkakaproblema sa batas!
Ang tinutukoy kong malaking sindikato na maaaring “tumutulong” sa ambisyon ni “Bato” na makalusot sa Senado ay ang mga nakakulong sa Bilibid Prisons sa Muntinlupa na mga kilabot na drug lord na patuloy na kino-control ang operasyon ng droga sa buong bansa, mula sa kanilang kulungan via “remote control operations”, gamit ang mga makabagong gadget. Mga gadget na gaya ng cellphone, tablet, Ipad at laptop, na malayang nakalulusot sa kanilang mga selda, sa tulong ng mga na-“corrupt” nilang mga bagong bantay, na ang ilan ay mga miyembro ng “elite” group ng PNP Special Action Force (SAF), na mismong si “Bato” ang nag-deploy sa Bilibid noong siya pa ang CPNP.
Ito ang kuwento – may nakuha raw na impormasyon si dating BuCor director general Atty Benjamin “Kidlat” delos Santos na tuloy ang operasyon ng mga “drug lord” na nakakulong sa Muntinlupa, dahil sa pakikipagsabwatan ng ilang miyembro ng SAF na bagong talaga sa Bilibid Prisons. Dahil sa “INTEL INFO”, agad inirekomenda ni “Kidlat” sa DoJ, sa hepe noon ng SAF at pati na kay “Bato”, na palitan ang buong puwersa ng SAF. Ngunit sa halip na mapalitan, ang lumabas ay ang balitang
“RESURGENCE OF DRUGS OPERATION” sa loob, na hindi man lang nabanggit ang partisipasyon dito ng ilang miyembro ng SAF.
Kaya nang lumabas ang anggulo ng balitang animo kinukunsinti ng pamunuan ni “Kidlat” ang muling paggalaw ng operasyon ng droga sa Muntinlupa – ‘di nagdalawang-isip si “Kidlat” at agad siyang NAGBITIW sa puwesto – ang kauna-unahang opisyal sa administrasyong ito na hindi “kapit-tuko” sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya ni Pangulong Duterte.
Sa palagay ko, nakarating na rin sa “matalas” na pang-amoy ng mga intel operative ni Senador Panfilo Lacson ang kuwentong ito, kaya ang agad nitong payo, na sa pakiwari ko’y PADAPLIS niya sa dating tauhan na si “Bato” ay ganito: “Ang unang-unang dapat ayusin doon ay yung corruption, ‘yong connivance between the jail guard, ‘yong BuCor personnel at yung mga preso, lalo na yung mga drug lords na napakaraming pera na doon talaga nag-ooperate sa loob!”
Ayon sa pinakabagong impormasyon na nasagap ko, tuloy ang ligaya sa loob ng MAXIMUN sa Bilibid Prisons, medyo inililihis lang daw ang kuwento, kunwari ay sa MEDIUM nagaganap ang ilegal na mga transaksyon, ngunit ang nagdudumilat na katotohanan – namamayagpag na ulit ang drug lord sa BuCor at ito ang sasalubong kay “Bato” sa pag-upo niya rito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]