Ni Tara Yap, ulat ni Francis T. Wakefield

CATICLAN, Malay – Inaasahan ng mga awtoridad ang maayos na pagpasok at paglabag sa Boracay Island sa Malay, Aklan sa pagsisimula bukas ng anim na buwang pagsasara ng isla para isailalim sa rehabilitasyon.

“Everything went well,” sabi ni Niven Maquirang, administrator sa mga pantalan sa Malay at sa Boracay Island.

Nagsagawa kahapon ng dry-run upang matukoy ang magiging sitwasyon sa paglabas at pagpasok ng mga residente, turista, empleyado at kawani ng gobyerno sa isla.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Simula bukas, sinabi ni Maquirang na pagbabawalan nang pumasok sa isla ang mga bagong turista, at haharangin na ang mga ito sa Caticlan Port sa Malay.

Tanging ang mga may government-issued ID ang pahihintulutang pumasok basta ang address nila ay saklaw ng tatlong barangay—ang Balabag, ManocManoc, at Yapak—sa Boracay.

Nilinaw din ni Maquirang na tanging mga turistang naka-book simula Abril 25 ang maaaring pumasok at manatili sa isla hanggang matapos ang kanilang bakasyon.

“If you arrive at Caticlan Port past midnight of April 26, you will not be allowed to enter Boracay anymore,” sinabi ni Maquirang sa Balita.

Tiniyak naman ni Police Regional Office (PRO)-6 Director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag ang pagkakaloob ng seguridad sa isla.

Kaugnay nito, inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na naaprubahan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang draft resolution na nagrerekomendang isailalim sa State of Calamity ang tatlong barangay na nakasasaklaw sa Boracay sa loob ng isang taon.

“The draft resolution recommending the declaration of a State of Calamity in the affected barangays covering Boracay Island was approved by the National Council subject to minimal modification as discussed during the meeting and for review of the Legal Working Group,” ani Lorenzana.