Ni Bert de Guzman
WALA na si Ronald dela Rosa, aka Gen. Bato at pasok na si Oscar David Albayalde (ODA) bilang bagong hepe ng 185,000-miyembro ng Philippine National Police. Sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang pagpapalit ng mga opisyal ng PNP na ginanap sa Camp Crame, Quezon City noong Huwebes.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Albayalde na ipagpapatuloy niya ang giyera ng administrasyon sa illegal drugs sa pamamagitan ng Oplan Double Barrel.
Nangako si ODA na itutuloy niya ang programa ng kanyang “mistah” na si Gen. Bato (PMA Class 1986) sa pagpuksa sa bawal na gamot at ang pagpapatalsik sa mga bulok at tiwaling miyembro ng PNP o police scalawags.
Sa turn-over ceremonies na sinaksihan ni ex-Pres. Fidel V. Ramos, ganito ang naging pahayag ni ex-PNP chief director general Ronald “Bato” dela Rosa: “This is your chief Bato signing off and signing on as citizen Bato.” Tawanan at palakpakan ang mga tao.
Hinirang agad si Bato ni PRRD bilang bagong puno ng Bureau of Corrections (BuCor). Naluluha si Dela Rosa nang i-surrender ang kanyang badge, tanda ng pagwawakas ng kanyang mahigit na 30 taong karera bilang isang police officer.
Sa layuning mapurga ang PNP ng mga tiwaling miyembro bilang pulis-patola, pulis-kotongero, pulis-sa-ilalim-ng tulay, na nagbibigay ng mantsa sa imahe ng pulisya, nagbanta si Mano Digong na kapag sila’y nakulong, ang makakaharap nila sa bilangguan ay si Gen. Bato. Patay kayo roon!
Hinimok nina Sens. Antonio Trillanes IV at Leila de Lima ang Supreme Court na i-dismiss ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban kay SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon. Inihain ng dalawang senador ang joint intervention kaugnay ng pahayag ni SC Senior Associate Justice Antonio Carpio, acting SC chief justice, na dedesisyunan nila ang kaso ni Sereno bago matapos ang Mayo.
Naniniwala sina Trillanes at De Lima na ang quo warranto proceedings ay illegal at unconstitutional at magreresulta sa pagkabawas sa kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court. Batay sa Constitution, ang sinumang pinuno ng constitutional bodies ay maaari lang patalsikin o tanggalin sa pamamagitan ng impeachment.
Sa banner story ng isang pahayagan noong Biyernes, ganito ang nakasaad: “No more Duterte EO on contractualization.” Ipauubaya na raw ni PDu30 sa Kongreso ang pagbabawal sa ENDO o end of contract o short-term employment. Di ba pangako niya noong kampanya na wawakasan niya ang endo, bumilib ang mga Pinoy at siya ay ibinoto?