Ni Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Pasig City Sports Center)

4 p.m. -- Zark’s Burger- Lyceum vs. Chelu Bar

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

SISIMULAN ngayon ang pagtutuos ng Zark’s Burger-Lyceum of the Philippines at Chelu Bar and Grill -San Sebastian College para paglabanan ang titulo ng 2018 PBA D League Aspirants Cup sa Game 1 ng kanilang best-of-3 series sa Pasig City Sports Center.

Tiyak ng magkakaroon ng bagong kampeon sa pagtutuos ng dalawang lowest seed squads na kinumpleto ang upset ng kani-kanilang semifinals series sa dalawang highest seed squads na Marinerong Pilipino at Akari -Adamson ayon sa pagkakasunod.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 4:00 ngayong hapon.

Muling sasandigan ng Jawbreakers ang core ng Lyceum squad na tumapos na runner-up noong nakaraang NCAA Season na pinangungunahan ni reigning NCAA MVP na si CJ Perez, ang Marcelino twins na sina Jaycee at Jayvee, MJ Ayaay at Mike Nzeusseu.

Ayon kay Jawbreakers coach Topex Robinson, gusto lamang nilang i-enjoy ang magandang pagkakataong makapaglaro sa finals.

“It’s just a blessing for us to be here. We’re so grateful that were given opportunity to play in the Finals,” ani Robinson na nagpapasalamat sa pagkakaroon ng mga manlalarong palaging nakahandang tumugon ng buong puso sa kahit na anong hamon na iharap sa kanila.

Para naman sa Revellers, sasandig naman silang muli sa mga beteranong nadagdag sa team na pinaniniwalaan ni coach Stevenson Tiu na naghatid sa kanila sa finals.

Partikular na aasahan ni Tiu na magpakita ng liderato ang ABL veteran na si Jeff Viernes na sasandal naman sa tulong at suporta na ibinigay sa kanya ng buong koponan partikular sina Cedric Ablaza, Michael Calisaan, at Alyn Bulanadi.