Ni Martin A. Sadongdong

Hindi pa matiyak ni outgoing Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung kakandidato siya bilang gobernador o senador sa 2019 midterm elections.

Ipinarating na ni dela Rosa kay Pangulong Duterte ang pag-aalinlangan niyang ito, at pinayuhan naman siya ng Punong Ehekutibo.

“Nag-usap kami ni Presidente kahapon [Martes] at tinanong ko talaga siya, ‘Ano kaya, saan mo ako dadalhin, senador o governor?’ Sabi niya, ‘Mag-observe muna tayo,” sinabi ni dela Rosa sa isang panayam sa telebisyon.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Aniya, sinabihan siya ng Pangulo na “kailangan” siya sa kanyang lalawigan sa Davao del Sur, na malinaw na nagmumungkahi na asintahin niya ang paggogobernador.

“For the meantime, sabi niya, ‘Maganda sana tulungan mo ‘yung probinsiya mo sa Davao del Sur dahil kawawa ang probinsiya mo. Ipa-improve natin ‘yun kaya kailangan ka doon’,” ayon kay dela Rosa ay sinabi sa kanya ng Presidente.

Una nang inamin ni dela Rosa na nais niyang kumandidato sa pagkasenador o pagkakongresista sa susunod na halalan.

Gayunman, binanggit ni Dela Rosa na malayo pa naman ang eleksiyon kung kaya’t nais muna nitong gugulin ang kanyang panahon sa piling ng kanyang pamilya pagkatapos ng kanyang pagreretiro.

Nakatakdang pamunuan ni dela Rosa ang Bureau of Corrections (BuCor).