Ni Jun Fabon

Nagbabala kahapon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nakaaalarmang antas ng naitatalang init sa ilang bahagi ng bansa.

Napag-alaman kay Alczar Aurelio, weather forecaster ng PAGASA, na wala pa sa peak ang tag-init at maaari pang patuloy na tumaas ang temperatura sa bansa sa mga susunod na araw.

Kahapon ng tanghali ay naitala ng PAGASA ang 34.6 degrees Celsius sa San Jose, Occidental Mindoro, na pumalo sa 44.3 degrees Celsius ang heat index.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nasa 32.2 degrees Celsius, o 43.4 degrees Celsius heat index, naman ang naramdaman sa Bohol, habang 33.2 degrees Celsius, o 43.2 degrees Celsius heat index, sa Dagupan City, Pangasinan dakong hapon.

Subalit ang pinakamatinding init ay pumalo sa 50.2 degrees Celsius heat index sa Nueva Ecija, noong nakaraang linggo.

Kaugnay nito, nagbabala rin ang Department of Health (DoH) laban sa heat stroke, at pinayuhan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration, lalo na ang mga nalalantad at nananatili nang matagal sa ilalim ng sikat ng araw.