Ni Bert de Guzman
BIBISITA sa Pilipinas ang “pag-ibig” ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Nobyembre—si Chinese Pres. Xi Jinping.
Sina Mano Digong at Xi ay dumalo sa Boao Forum sa Hainan, China. Nag-usap, nagkumustahan at nagkasundo sila sa kalakalan, paglaban sa terorismo, at illegal drugs.
Nangako ang leader ng bansang may 1.2 bilyong populasyon na bibigyan ang Pilipinas ng P3.8 bilyong ayuda upang ito ay umunlad. Hindi nakapagtatakang ibulalas ng ating Pangulo ang “I love China (Xi)”. Kailan naman kaya dadalaw ang isa pang iniidolo ni PDU30, si Russian Pres. Vladimir Putin?
Tutuloy sa Pilipinas si Pres. Xi matapos niyang dumalo sa Asia-Pacific Cooperation (APEC) Summit sa Papua New Guinea sa anyaya ng kaibigang si Duterte. Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, inimbitahan ng ating Pangulo si Xi na bumisita sa ‘Pinas nang siya’y mag-state visit sa China noong 2016. Inulit ni PRRD ang imbitasyon kay Xi sa sidelines ng summit APEC summit sa Lima, Peru.
Bumuti ang relasyon ng Pilipinas sa China sa ilalim ng Duterte administration. Pumayag ang Pangulo na magdaos ng bilateral talks tungkol sa sigalot sa South China Sea (West Philippine Sea), na sumasaklaw sa may 1.35 milyong metro kuwadrado.
Inaangkin ng China ang kabuuan ng WPS-SCS bagamat may claim din ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan. Ayon sa mga kritiko, inabandona ni PRRD ang PH maritime interests kapalit ng ayuda ng China. Itinanggi ito ni Pres. Rody at sinabing hindi niya ipagkakaloob sa China ang kahit isang pulgada ng PH territory.
Nananatiling matatag si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa kabila ng pagsisikap ng kanyang mga kalaban na siya ay matanggal sa puwesto. Inakusahan niya si PRRD na nasa likod ng pagmamaniobra na siya ay ma-impeach. Noong Martes, nangakong siya ay lalaban hanggang sa wakas kasunod ng mainit na oral argument sa kapwa mga mahistrado, partikular kay SC Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro, hinggil sa quo warranto petition laban sa kanya.
“Walang atrsan, tuloy ang laban,” pahayag ng may “balls” na SC Chief Justice sa harap ng mga supporters na nag-piket malapit sa SC compound sa Baguio City. Para sa kanya, siya ay “defender of democracy” at iginiit na hindi siya yuyuko sa mga makapangyarihan sa ‘Pinas.
Dapat pag-usigin si ex-Pres. Noynoy Aquino dahil sa paglalagay sa panganib ng libu-libong mag-aaral kaugnay ng anti-dengue immunization program o dengvaxia na hindi naman pala ligtas.
Inilahad ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang draft report sa dengvaxia vaccine na ayon sa kanya ay ibinatay sa mga ebidensiya na natipon sa mga pagdinig ng Senado sa mga alegasyon ng anomalya sa pagbili at paggamit ng anti-dengue dengvaxia vaccine.
Sa committee report, isinasaad na maliwanag ang sabwatan sa pagitan nina Aquino at ex-DoH Sec. Janette Garin upang madaliin ang pagbili ng Dengvaxia vaccine. Bukod kina Aquino at Garin, nais ding papanagutin si ex-Budget Sec. Florencio Abad.