Ni Angelli Catan

Isa ang Facebook sa pinakapopular na social networking site ngayon at isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming gumagamit nito. Ang pagkakaroon ng Facebook account ay katumbas ng pagkakaroon ng access sa lahat ng nasa online, kapalit ng impormasyong ibinibigay mo rin sa kumpanya.

Dahil sa patuloy na pag-usbong ng iba’t ibang uri ng teknolohiya, lalo pagdating sa Internet, ay marami rin ang nagsasamantala at nagagamit ang mahahalagang online information sa ilegal na paraan, o para sa sariling interes.

Tulad ng ginawa ng data firm na Cambridge Analytica sa data ng halos siyam na milyong tao sa mundo na nakuha nito sa Facebook.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Gamit ang isang app ( “This Is Your Digital Life”) na binigyang permiso ng Facebook upang magkaroon ng access sa data ng mga tao, madaling nakakuha ng impormasyon ang Cambridge Analytic aupang magamit ito at maimpluwensiyahan ang mga botante noong 2016 elections sa Amerika.

Batid ng Facebook ang pagkakaroon ng access ng Cambridge Analytica sa users nito, subalit hindi alam ng social media giant na ginamit ito ng data firm sa maling paraan.

Ngayon ay milyun-milyong tao ang nagrereklamo sa Facebook dahil sa maling pagkakagamit sa kanilang data. Marami ang nagpepetisyon ngayon na mag-delete na ng Facebook accounts at lumipat na sa ibang social networking site.

Humingi na ng tawad ang co-founder at CEO ng Facebook na si Mark Zuckerberg, at nangakong mas paiigtingin pa ang seguridad ng data ng mga user, at maghihigpit sa mga third party apps na binibigyan nito ng permiso.

May isang paraan upang malaman kung isa ka sa milyun-milyong nabiktima ng data breach na ginawa ng Cambridge Analytica gamit ang link na ito. Malalaman sa link kung isa ka sa apektado at kung may mga kaibigan ka sa Facebook na gumamit at naka-log in sa app na “This Is Your Digital Life” at kung ano ang mga susunod na hakbangin.

Sa ngayon ay makabubuti na umiwas sa mga app na humihingi ng mga impormasyon tungkol sa iyong sarili at sa kahit sinong kakilala. Pag-aralang mabuti ang bawat bibisitahing site at maging responsable sa paggamit ng social media.