Ni Liezle Basa Iñigo
Inaresto ng pulisya ang walong minero sa Cordon, Isabela matapos maaktuhang nag-o-operate nang walang permit sa pamahalaan, nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ng Cordon Police Station ang mga suspek na sina Ricky Dela Cruz, 42; Mario Dinamling, 52; Fidel Pagala, 41; Octavio Agramos, 51; Valiant Viernes, 44; Gerald Dug-a, 57; ng Anonang, Cordon, Isabela; Jonathan Tobias, 29; ng Caquilingan, Cordon, Isabela; at Rudy Agustin, 45; ng Cabulay, Santiago City, Isabela.
Natukoy sa imbestigasyon na sinalakay ng pulisya ang processing plant ng walong suspek sa Barangay Anonang, Cordon kung saan naaktuhan nila ang mga ito na nagtatrabaho sa lugar.
Hindi na nakapalag pa ang walong suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7076 (People’s Small Scale Mining Act of 1991) at Section 55 ng Republic Act No. 7942 (Philippine Mining Act of 1995) nang dakpin, bandang 2:45 ng hapon.
Ayon sa pulisya, hindi nakapagbigay ng kaukulang papeles ang walong suspek kaya dinakma ang mga ito.