50 panalo, naitala ng playoff bound Philly; Warriors, wagi

PHOENIX (AP) — Sinimulan ni Klay Thompson ang ratsada at tinapos ng tropa ang larga para patunayan na handa ang Warriors sa playoff.

Ratsada ang Golden State guard sa 34 puntos, tampok ang 22 sa first period, tungo sa dominanteng 117-100 panalo kontra Phoenix Suns nitong Linggo (Lunes sa Manila).

“It was good to get into a good rhythm, especially with a game left in the season,” pahayag ni Thompson. “You want to have some great momentum going into this playoff stretch.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag si Kevin Durant ng 17 puntos at siyam na assists para sa ika-15 sunod na panalo laban sa Suns.

Nanguna si Danuel House sa Suns sa career-high 22 puntos, habang tumipa sina Alex Len ng 16 puntos at 10 rebounds, at Dragan Bender na may 14 puntos at 14 boards, at Tyler Ulis na kumana ng 15 puntos at 10 assists.

Sigurado na sa Warriors, galing sa dalawang sunod na kabiguan, ang No.2 playoff spot sa Western Conference.

Patuloy pa ring nagpapagalin sa tinamong MCL sprain si Stephen Curry,habang may iniinda sina Andre Iguodola (left knee soreness) at Patrick McCaw (lumbar spine contusion).

Dalangin ni Warriors coach Steve Kerr na makaiwas sa anumang dagdag na injury ang tropa para sa mas matikas nakampanya sa playoff.

“But that is more luck of the draw than anything.I am glad we got through this game in a good way health-wise and did some good things and one more to go,” pahayag ni Kerr.

Naitala ni Thompson ang 19 sunod na puntos sa Warriors sa first quarter.

“That was a scorching first quarter,” sambit ni Kerr.”That was fun to watch. He had the arena pretty excited too every time he went up for a shot. He had it rolling.”

JAZZ 112, LAKERS 97

Sa Los Angeles, ratsada si Donovan Mitchell sa naiskor na 28 puntos para sandigan ang Utah Jazz sa 112-97 panalo sa Los Angeles Lakers.

Hawak ng Utah ang No.4 spot sa dikit-dikit na marka sa Western Conference kung saan lima pang koponan ang naglalaban-laban para sa nalalabin apat na slots.

“It’s a great feeling to have that.But at the same time, we got two more games left and want to stay where we’re at,” pahayag ni Mitchell.

Kumubra sina Joe Ingles ng 22 puntos at 10 assists at tumipa si Jae Crowder ng 18 puntos mula sa bench.

Nanguna si Josh Hart sa Los Angeles sa naiskor na 25 puntos, habang tumipa si Julius Randle ng 17 puntos at pitong rebounds.

SIXERS 109, MAVS 97

Sa Philadelphia, halos kumpleto na ang ‘The Process’ sa Philadelphia.

Sa kabila ng pagkawala ni All-Star forward Joel Embiid, patuloy ang ratsada ng Sixers sa nakubrang 14 sunod na panalo – bagong marka sa prangkisa – matapos pulbusin ang Dallas Mavericls.

Nagsalansan si JJ Redick ng 18 puntos, habang kumubra si rookie top contender Ben Simmons ng 16 puntos, pitong rebounds at siyam na assists, at tumipa si Robert Covington ng 15 puntos at 10 rebounds sa Sixers.

Dalawang taon matapos ang nakadidismayang kampanya (10-72), sasabak sa playoff ang Sixers (50-30) at tangan ang home-court advantage. Ito ang unang pagkakataon mula ang sandigan ni Allen Iverson ( 2000-01) na naitala ng Sixers ang 50 panalo sa post-season.

Huling naitala ng Sixers ang 14 sunod na panalo sa single season noong 1983 na pinangungunahan nina Hall-of-Famer Dr. J at Moses Malone. Sa naturang taon, nakuha ng Philadelphia ang huling NBA title.

Nanguna si Harrison Barnes sa Mavs na may 21 puntos.

GRIZZLIES 130, PISTONS 117

Sa Memphis, Tenn., sa huling home game sa season, siniguro ng Grizzlies na uuwing masaya ang home crowd.

Kumubra sina MarShon Brooks ng 25 puntos, Dillon Brooksna may 22 puntos sa panalo ng Grizzlies sa huling laro sa regular season kontra Detroit Pistons.

Sa 22 panalo ng Grizzlies ngayong season, 16 ay nagawa nila sa harap g home crowd.

“I understand how tough it’s been for everyone,” sambit ni center Marc Gasol, tumapos na may 20 puntos,siyam na rebounds at siyam na assists.

Nag-ambag si Kobi Simmons ng career-high 20 puntos sa Memphis.

Nanguna si Anthony Tolliver sa Pistons na may 19 puntos, habang kumana si Luke Kennard ng 18 puntos.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Eastern Conference No.1 Toronto Raptors laban sa Orlando Magic, 112-101.