Ni ALI G. MACABALANG
“Sibakin na ang mga ‘yan!”
Ito ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos umanong masangkot sa pangingikil sa mga rice trader sa Cagayan Valley region.
Sa kanyang Facebook page, binanggit ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol na nagpupuyos sa galit si Duterte nang matanggap nito ang ulat na talamak ang extortion activities sa Aritao, Nueva Vizcaya, na kinasasangkutan umano ng mga tauhan ng LTO at DPWH na nakabantay sa isang truck weighing station sa nasabing lalawigan.
Nilinaw ni Piñol na inilahad ng Pangulo ang nasabing hakbangin sa pagpupulong sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.
Inatasan na rin ng Punong Ehekutibo si LTO Chief Arturo Tugade na iharap sa kanya ang mga tauhan nito na nakadestino sa Aritao upang sermunan ang mga ito bago sibakin sa serbisyo.
Naiulat na aabot sa 1,000 cargo truck, na karamihan ay puno ng bigas at iba pang agricultural products, ang dumadaan sa nasabing sistema ng LTO at DPWH, na nangongotong umano sa mga truck operator, kapalit ng hindi pagsita sa mga ito.