INIULAT noong nakaraang linggo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na itinalaga ni Pangulong Duterte para pamunuan ang kampanya laban sa ilegal na droga, na sa 21 buwan simula Hulyo 1, 2016, hanggang Marso 20, 2018, umabot na sa 91,704 ang operasyon, 123,648 drug suspect ang naaresto, at 4,075 ang napatay ng mga alagad ng batas.
Una rito, Oktubre 10, 2017, iniulat ng Philippine National Police (PNP) Directorate for Operations na nagsagawa ng 71,578 operasyon sa loob ng 15 buwan, 262,188 suspek ang sumuko, at 3,933 ang napatay. Inisyu ang opisyal na PNP report sa kasagsagan ng pagsusulputan ng mga unofficial report ng mga namatay sa kampanya. Isa sa mga report noon ay nasa 9,000 hinihinalang tulak at adik ang napaslang. Mayroon ding report na nagbigay ng “unofficial count” na 14,000 “extrajudicial killings and other human rights incidents.”
Tinatanggap natin ang paglabas ng opisyal na mga bilang, upang maitama ang napakaraming maling bilang sa unang bahagi ng kampanya sa ilegal na droga noong pinamumunuan pa ito ng PNP. Ikinaalarma ng mga opisyal ng United Nations Commission on Human Rights at ng mga bansa gaya ng Amerika at ng mga miyembro ng European Union ang lumabas na mga unang bilang. Kasalukuyan na itong iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC). Dapat nating harapin ang buong mundo at sagutin ang lahat ng tanong hinggil sa ating anti-drug operations.
Dapat magkaloob ang PNP ng mga dokumento sa Korte Suprema hinggil sa bilang ng mga napatay, petsa, at lugar ng operasyon. Ipinag-utos ng korte sa PNP na isumite ang mga ito noong Disyembre 2017, sa kasong hinahamon ang constitutionality ng kampanya ng PNP, ngunit naghain ang Solicitor General ng motion for consideration, sinabing ang hawak na mga dokumento ng Korte Suprema ay sensitibong impormasyon at nakasalalay ang seguridad ng bansa.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga. Sa dami ng namatay, napagtanto na ang problema sa droga ay mas malala sa inaasahan.
Lahat ng kalabisan ng mga pulis sa umpisa ng kampanya ay naitama na, ngayong PDEA na ang nangunguna rito.
Suportado ng publiko ang kampanya laban sa ilegal na droga at kailangang magtuluy-tuloy ito, sa bago nitong pagtutuunan na ibunyag ang mga opisyal na nagpahintulot at nakinabang dito. Ang pag-uulat sa media at maging sa korte ay makatutulong sa kampanyang ito ng pamahalaan.