NAPANATILING buhay ang sisinghap-singhap na kampanya ng University of Philippines sa Final Four nang daigin ang National University, 25-18, 25-22, 25-20, nitong Miyerkules sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament second round elimination sa The Arena sa San Juan.
Nanguna si skipper Tots Carlos sa Lady Maroons sa naiskor na 18 puntos, habang kumasa si Isa Molde ng 10 puntos.
Bunsod ng panalo, umangat ng bahagya ang UP sa 4-8 at makatabla ang mainit ding University of Santo Tomas sa ikaanim na puwesto.
Natamo naman ng NU ang ikalimang sunod na kabiguan, ngunit nanatili sa No.4 spot na ay 6-6 karta.
Nalagay sa alanganin ang kampanya ng UST Tigresses nang mabigo sa Ateneo, 22-25, 25-20, 25-16, 17-25, 9-25.
Nabalewala ang naiskor na 21 puntos ni Sisi Rondina na hangad na makaungos para sa No.4 spot sa Final Four.
Dahil sa kabiguan, kakailanganin ng UST na maipanalo ang huling dalawang laro laban sa nangungunang La Salle (April 8) at Adamson (April 14) at magdasal na hindi na makaabot sa pitong panalo ang National University (6-6) at Adamson University (5-6).
Nakasiguro na ang La Salle at Ateneo sa semifinal berths tangan ang 9-2 at 9-3 marka, ayon sa pagkakasunod, habang nasa No.4 ang Far Eastern University (7-4) kasunod ang Adamson (5-6).
Haharapin ng UP ang Ateneo sa Sabado at University of the East sa Abril 14. Kailangan nilang malagpasan ang dalawang laro para makahirit ng playoff para sa No.4 spot.
Nanguna sa NU si Jaja Santiago na may 19 puntos