Ni Jun Aguirre
BORACAY ISLAND - Pinaplantsa na ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang komprehensibong contingency plan na magagamit sa pangangailangan ng mga residente at turista kapag ipinatupad na ang pansamantalang pagpapasara sa Boracay Island.
Ipinahayag ni Jose Roberto Nuñez, regional director ng Office of Civil Defense (OCD), na resulta ito ng joint meeting ng Regional Peace and Order Council at ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council.
Malinaw na, aniya, sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang responsibilidad ng mga ito kung saan inaasahang libu-libong empleyado ang mawawalan ng trabaho.
Marami ring residente ang posibleng mapaalis sa kanilang tirahan matapos makatanggap ng notice of eviction mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa oras, aniya, na ihayag ni Pangulong Duterte ang hudyat ng pagpapasara sa Boracay, inaasahang magiging awtomatiko na ang magiging tugon ng mga ahensiya ng gobyerno.