Wagi ang mga estudyanteng Pinoy bilang kampeon sa 15th Hanoi Open Mathematics Competition (HOMC) na idinaos noong Marso 26-30 sa Hanoi, Vietnam.
Ang grupo, na nanguna sa junior division para sa Grades 7 at 8, ay binubuo nina Annika Angela Mei Tamayo, Ateneo de Iloilo; Justin Teng Soon Khoo, Regional Science High School III; Gwyneth Margaux Tangog, Southville International School and Colleges; Lawrence Dominic Bermudez, Philippine Science High School-Main; at Robert Frederik Uy, Philippine Science High School-Western Visayas. Sila ay ginawaran ng gintong medalya at trophy.
Bukod diyan, nanalo ang Pilipinas ng apat na tansong medalya sa individual contest, ayon kay delegation head Dr. Isidro Aguilar, president ng Mathematics Trainers Guild Philippines (MTG).
“We at MTG are very proud that our Filipino students reaped medals at the contest. Their training and determination paid off,” sabi ni Aguilar.
Dinaluhan ni Vice Consul Dean Jason Arriola, ng Philippine Embassy sa Vietnam, ang awarding ceremony.
Ito ang unang pagkakataon na inimbitahan ang mga dayuhang contestants na makiisa sa kompetisyon na inorganisa ng Hanoi Department of Education and Training and Hanoi People’s Committee.
Aabot sa 500 partisipante ang nakiisa sa kompetisyon mula sa Pilipinas, China, Thailand, Indonesia, Poland, Hungary, Malaysia, Myanmar at Vietnam, ayon sa math coach na si Renard Eric Chua. - Jonathan Hicap