Ni Beth Camia
Nanindigan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi malilito ang publiko sa bagong serye ng barya na ilalabas ng ahensiya sa Hulyo ngayong taon.
Sinabi ni Deputy Governor Diwa Guinigundo na madaling makita ang pagkakaiba sa bawat barya basta titingnan lang ito ng publiko.
Aniya, kung babasahin at susuriing mabuti, hindi naman nakalilito ang disenyo ng mga baryang P5 at P1, dahil dumaan sa dalawang taong pag-aaral ang disenyo ng mga ito.
Iginiit ni Guinigundo, malinaw din ang pagkakaiba ng mga bayaning nasa dalawang barya: si Andres Bonifacio ang nasa P5, at si Dr. Jose Rizal naman sa P1.
Sinabi rin niyang mas malaki at mas makapal ang P5 kumpara sa P1.
Una nang inulan ng batikos ng publiko ang BSP dahil sa bagong disenyo ng P5 barya, na nagpagkakamalang P1.