Ni Leandro Alborote

TARLAC CITY - Isa sa tatlong umano’y holdaper, na nasa likod ng robbery-hold up activities sa Tarlac City at karatig pang lugar, ang napatay ng pulisya sa shootout sa Tarlac City, nitong Linggo ng gabi.

Ang nasawi ay kinilala ni PO2 Carlo Calaguas, ng Tarlac City Police, na si Jacque Wilson Joves, 20, binata, ng Zone 1, Barangay San Isidro, Tarlac City, na sinasabing natadtad ng bala ang katawan.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Naiulat na napatay si Joves nang makipagbarilan umano sa pulisya sa highway ng Sitio Tabane sa Bgy. Aguso, Tarlac City.

Si Joves ay nakasakay sa motorsiklo, kasama ang dalawang iba pa nang parahin ng mga pulis.

Sa halip na huminto ay pinaputukan pa umano nito ang mga pulis kaya ginantihan ito ng putok na nagresulta sa pagkakapaslang dito.