Ni Mary Ann Santiago
Pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko na umiwas sa dehydration ngayong Mahal na Araw, na simula ng panahon ng tag-init sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, karaniwang nabibiktima ng self-dehydration ang tao, na masama sa kalusugan.
Pinayuhan din niya ang publiko, partikular ang mga magbi-Visita Iglesia, mga magpepenitensiya at makikilahok sa iba pang relihiyosong aktibidad na may kinalaman sa Mahal na Araw, na huwag kalimutang magbaon ng tubig upang matiyak na may sapat na tubig sa kanilang katawan.
“Remember to always carry a water bottle, ready-to-eat meals and umbrella as you visit churches,” paalala pa ni Duque.
Paliwanag niya, sa pamamagitan ng mga naturang tips ay makaiiwas ang publiko laban sa mga sakit tuwing panahon ng tag-init, tulad ng heat stroke o severe exhaustion.
“When feeling exhausted or hazy, immediately grab a glass of cold water,” dagdag pa ng kalihim.
Pinaalalahanan namang muli ni Duque ang mga magpepenitensya na tiyaking sterilized ang mga pakong gagamitin nila sa pagpapapako sa krus, para makaiwas sa nakamamatay na tetano.
Ang mga tao naman, aniya, na may alta-presyon ay dapat manatili na lamang sa bahay, lalo na sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Bukod naman sa heat stroke at hypertension, dapat rin aniyang iwasan ang iba pang sakit na nakukuha sa dry season tulad ng sore eyes o conjunctivitis, ubo, sipon, sakit sa balat, at rabies, na nakukuha sa kagat ng aso.