PARAMI nang parami ang mga naaaliw sa pinakabagong Instagram superstar ngayon, ang anak nina Drew Arellano at Iya Villania na si Primo na nakatakda nang maging kuya. Ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), sasama ang programa sa family at travel adventures ng Team Arellano.
Dadayuhin din ng KMJS ang Balabac, Palawan na kilala bilang Last of the Last Frontier. Kung dati ay hindi ito masyadong dinarayo ng mga turista, nitong mga nakaraang taon, unti-unti nang isinusulong ang turismo nito. Aalamin ng KMJS kung handa na nga ba sa pagdagsa ng mga turista ang Balabac.
Makikipista rin ang KMJS sa taunang Alimango Festival ng Lanao del Norte na tradisyon na ang mala-bundok na tumpok ng mga alimango.
Nang dahil naman sa isang lumang litrato, isang Amerikano ang nagpunta sa Pilipinas para bisitahin ang dati niyang yayang Pilipina na 87 taon na ngayon. Ang muling pagtatagpo nina Jack at Rosie pagkaraan ng halos pitong dekada, magpapatunay na hindi kayang limutin ng panahon ang itinanim na kabutihan.
Ngayong Semana Santa, samahan din ang KMJS sa pagbisita sa bagong bukas na Reliquarium sa Marikina kung saan matatagpuan ang mahigit isang libong relics kabilang na ang dugo ng dating Santo Papa na si Saint John Paul II, ang hibla ng buhok ni Mother Teresa, at piraso ng mismong krus na pinagpakuan daw kay Jesus Christ.
Kilalanin din ang 59 years old na basketbolistang lola na kaya raw makipagsabayan sa PBA superstar na si Arwind Santos.
Abangan lahat ng ito sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo, pagkatapos ng All Star Videoke, sa GMA-7.