Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Nagpasalamat ang Task Force Bangon Marawi (TFBM) sa pagsisikap ng international at local partners nito para makabangon ang Marawi City mula sa mga pinsala ng digmaan.
Inilista ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, sa press briefing sa Iligan City, ang mga bagong tulong na natanggap ng TFBM mula sa ibang bansa at sa mga dayuhang organisasyon.
Ayon kay Andanar, nanatiling tapat ang Japan sa pangako nito na umagapay sa pagbangon ng Marawi City sa pagdating ng 27 sets ng bagong heavy equipment na gagamitin sa rehabilitation program.
Ginanap ang ceremonial handover sa ‘Biyaya ng Pagbabago’ transitional shelter site sa Barangay Sagonsongan, Marawi City noong Marso 15. Dinaluhan ito ni Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda.
Binanggit din ni Andanar na nilagdaan nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Haneda ang dalawang bagong official development assistance projects sa Pilipinas na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon nitong Marso 20, at P1 bilyon dito ay gagamitin para suportahan ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Nagkaloob naman ang Mitsubishi Motors Philippines, sa pamamagitan ni President at CEO Mitsuhiro Oshikiri, ng 26 Mitsubishi utility vehicles sa TFBM.
Nagdagdag ng P100 milyon tulong ang US government, sa pamamagitan ng United States Agency for International and Development (USAID), para sa food security sa Marawi at mga lugar sa palibot nito. Ginanap ang ceremonial handover sa Manila nitong nakaraang linggo at dinaluhan nina US Ambassador Sung Kim at Stephen Gluning, ang Country Director of the World Food Program (WFP).
Ayon kay Andanar, nagsagawa rin ang WFP ng feeding program sa mga estudyante ng Camp Bagong Amai Pakpak Elementary School sa Marawi City noong Marso 13, bilang bahagi ng emergency school meals project.
Tumanggap din ang Marawi City ng tulong mula sa Belgium at United Nations Food and Agriculture Organization (FAO). Ang turnover ay pinamunuan ni Belgian Ambassador Michel Goffin.
“Marawi farmers received certified rice seeds, bags of fertilizers and assorted vegetable seeds. Packages for broiler and vegetable production were also distributed,” ani Andanar.
Sinabi ni Andanar na patuloy na nagbibigay ng mga serbisyo ang iba’t ibang civil service (CSO) at faith-based organizations sa mga apektadong residente ng Marawi at mga karatig na lugar.
Batay sa ulat ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, mayroong 139 organisasyon na namamahala sa mahigit 6,000 aktbidad bilang tulong sa mga residente at pagbangon ng Marawi.