Ni Ric Valmonte
IBINASURA na ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang resolusyon ng binuo niyang panel of investigators na nagdi-dismiss sa kasong illegal drug trade laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Bukas muli ang kaso, aniya, at malayang magprisinta ng kani-kanyang ebidensiya ang magkabilang panig. Ginawa ito ng kalihim matapos batikusin ng iba’t ibang sektor ang resolusyon nang lumabas ito sa media ngayong Marso, gayong gawa na ito noong Disyembre 21, 2017.
Ngunit, una rito, pinanindigan niya na tama ang resolusyon dahil kulang naman daw talaga ang ebidensiyang inihain ng CIDG. Nang gawin ng Akbayan ang wig rally sa tapat ng kanyang tanggapan, sinabi niya na ignorante ang mga ito.
Nag-ala Ponsio Pilato siya. Naghugas siya ng kamay at hindi raw niya alam ang resolusyon.
Hindi ko alam ang pinaghuhugutan ng kalihim. Laman din naman ako ng korte. Walang araw na hindi ko nakakasalamuha ang mga piskal sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kanonoog pook nito. Ang mga piskal na ito, maging ang mga abogado ng Public Attorney’s Office na nasa ilalim ng DoJ, ay hindi naniniwala sa pag-aala Ponsio Pilato ng kalihim na siyang pinuno ng mga ito. Imposible umanong hindi niya malaman ito lalo na’t high profile case ito at may kaugnayan sa war on drugs ng Pangulo. Tama sila, dahil ang Pangulo mismo ang nagsabi sa publiko na drug lords sina Espinosa, Lim, Co at iba pa. Sila ay nasa drug lists pa nga ng Pangulo.
Bakit hindi na lang pinanindigan ni Sec. Aguirre ang una niyang pahayag na kulang ang ebidensiya laban kina Espinosa, Lim at iba pa? Kung talagang kulang, wala nang magagawa ang nag-iimbestiga kundi ibasura ang kaso na ginawa ng panel of investigators. Kung normal na nasunod ang paraan ng imbestigasyon, at nilagdaan niya ito at agad inilabas ang resolusyon sa media, wala sanang problema. Kahit ba high-profile ang kaso at sangkot dito ang mga umano’y drug lord. Ang problema sa ginawa ng panel of investigators, masasalamin na hindi ito naniwala sa kanyang ginawa. May layunin itong itago muna at kapag naguluhan na ang sambayanan sa iba’t ibang isyu, saka ilalabas ng DoJ ang resolusyon. Isa ito sa mga napakalaking bagay na sumisira sa kredebilidad at sinseridad ng Pangulo sa pagpapairal niya ng war on drugs.
Ang nangyari kay Sec. Aguirre ay narindi siya ng pangyayari. Hindi niya inaasahan na may lihim na maglalabas ng resolusyon sa hindi tamang panahon. Ang higit na hindi niya inaasahan ay sa loob ng kanyang departamento ang gumawa nito. Kaya, gumawa siya ng mali, sinundan pa ito ng panibagong pagkakamali. Wala naman siyang natanggap na mosyon para baguhin ang resolusyon, siya mismo ang nagbasura na nito.