Ni Celo Lagmay

HINDI lamang nitong nakaraang ilang araw muling umugong ang planong palawigin ang edad ng pagreretiro o mandatory age retirement ng ating mga pulis at sundalo. Mula sa 56-anyos na nakagawiang edad sa pamamahinga sa tungkulin ng naturang mga alagad ng batas, maaaring ito ay itulad na lamang sa 65-anyos na retirement age naman ng kawani at opisyal ng gobyerno.

Hindi ko matiyak kung may kaakibat na pagbibiro, subalit lumutang din ang plano na palawigin hanggang sa 75-anyos ang retirement age ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), mas mahigit pa ito ng limang taon kaysa 70-anyos na mandatory retirement age ng mga mahistrado at huwes.

Hindi ko rin matiyak kung kakailanganin ang bagong lehislasyon o sususugan na lamang ang umiiral na mga batas hinggil sa pagpapalawig sa nabanggit na retirement age ng tinatawag na men in uniforms. Ang aking pananaw ay nakatuon sa paniniwala na masyadong mababa ang umiiral na retirement age ng naturang mga alagad ng batas, lalo na kung isasaalang-alang na nasa kalakasan pa ang kanilang pangangatawan at pag-iisip sa gayong edad. Isipin na lamang na ang ating mga pulis at sundalo ay laging nakaalerto sa pagtugis ng mga kriminal at mga rebelde na walang patumangga sa paghahasik ng karahasan sa mga komunidad.

Sa gayong makabuluhang misyon ng mga ito, lalong kailangan ang kanilang pagseserbisyo hanggang sa binabalak na bagong retirement age. Masyadong mabigat ang paghamon na nakaatang sa kanilang mga balikat, lalo na ngayon na ang administrasyon ay determinado sa pagpuksa ng illegal drugs at sa pagtugis sa mga kampon ng kadiliman. Sila lamang ang may higit na kakayahan sa mapanganib na gawaing ito; sila lamang ang may mga armas sa pagsugpo ng mga panganib.

Totoo, kailangan namang masulit ang kanilang katapatan at malasakit sa paglilingkod, lalo na ngayon na dinoble ng gobyerno ang kanilang mga suweldo at iba pang benepisyo. Lalo na ng ating mga opisyal na pulis at sundalo na labis ding nakinabang sa ayuda ng pamahalaan.

Hindi maliit na halaga ang ginugol ng gobyerno sa pagpapaaral sa ating mga opisyal samantalang sila ay mga kadete sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA). Ang mga kaalaman at karanasan na natamo nila sa naturang mga akademya ay magiging gabay ng kanilang mga katropa sa kanilang mga misyong pangseguridad at kaunlarang pangkabuhayan.

Sa harap ng gayong mahigpit na mga pangangailangan sa makabuluhang paglilingkod sa bayan, naniniwala ako na higit na nakararami ang kakatig sa nabanggit na plano; lalo na nga kung iisipin na nasa kalakasan pa ang ating mga sundalo at pulis sa gayong edad.