Ni Jun Fabon
Anim na taong pagkakakulong ang hatol ng Sandiganbayan sa limang opisyal ng Tabontabon sa Leyte dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian noong 2007.
Inilabas ng anti-graft court ang desisyon matapos mapatunayang nagkasala sina Bids and Awards Committee (BAC) members Edgardo Cinco, Luzminda Bibar, Meonilo Reforzado, Ricardo Efren at Alfredo Canonigo, sa limang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti- Graft and Corrupt Practices Act).
Inatasan din ng hukuman ang mga ito na magbayad ng P272,000 sa lokal na pamahalaan ng Tabontabon.
Nag-ugat ang kaso nang akusahan ng Office of the Ombudsman ang mga ito na tumanggap P34,000 bilang honorarium ng bawat isa sa kanila, simula Enero hanggang Mayo 2007.
Idinahilan ng korte na mas mataas ang tinanggap na kabayaran ng mga ito kumpara sa itinakda ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa panahon ng paglilitis, nakapagharap ng mga dokumento ang Ombudsman kung saan nakasaad na tumanggap si Cinco ng monthly salary na P15,314 habang sina Bibar at Reforzado ay tumanggap ng P14,874 at P7,374, ayon sa pagkakasunod.
Ang buwanang kabayaran naman ni Efren ay aabot sa P6,288, habang si Canonigo ay tumanggap lamang ng aabot sa P4,277.