Ni Jun Fabon

Arestado ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang aktibo at isang retiradong pulis, sa buy-bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga suspek na sina PO2 Joseph Soriano y Mangaporo, 44, nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame, at taga-Barangay Socorro, Cubao; retired SPO1 Eduardo Valle y Ramos, 53, ng San Jose Del Monte City, Bulacan; at Don Jacky Cortez y Sotto, alyas “Jack-Jack”, 32, ng Bgy. Socorro, Cubao.

Sa ulat ni Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng Cubao Police Station 7, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad at kinaroroonan ng mga suspek, dakong 11:50 ng gabi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sanhi ng pagkakaaresto sa tatlong suspek sa parking area sa kanto ng 10th at 11th Avenue sa Bgy. Socorro, Cubao.

Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang 19 na pakete ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P20,000, mga cell phone, at P1,000 marked money.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa detention cell ng QCPD Station 7 at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).