Ni MARY ANN SANTIAGO

Tatlong katao ang kumpirmadong patay, habang 17 ang nasugatan at may ilan pa ang naitalang nawawala ilang oras makaraang sumiklab ang sunog sa Water Front Manila Pavilion sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

PAGE 2_LEFT 180318_manila favilion02_vicoy

Unang napaulat na apat ang nasawi sa sunog, na pawang isinugod sa Manila Doctor’s Hospital, bagamat na-revive ang isa sa mga ito, batay sa update ng mga awtoridad habang isinusulat ang balitang ito.

May lason? EcoWaste may babala 'di awtorisadong bersyon ng Labubu dolls

Dalawa pa lamang sa mga nasawi ang nakilala habang sinusulat ang balitang ito: sina Jun Evangelista, ng Treasury Office; at Billy De Castro, intern security ng hotel.

Gayunman, kritikal ang lagay ng na-revive na biktima, isang babae, sinabi ni Manila Doctors’ Hospital director Hian Kua sa press briefing pasado 4:00 ng hapon kahapon.

Labing-anim na iba pa ang nasugatan sa insidente, ayon pa rin kay Kua.

Samantala, napaulat na nawawala ang ilan pang indibiduwal, kabilang ang mga empleyado ng hotel na sina Mark Sabido at Joe Cris Banang, kapwa CCTV operators, na prioridad na matagpuan ng rescuers, batay sa update ng awtoridad mag-aalas kuwatro kahapon.

Batay sa ulat ni Supt. Jonas Silvano, district fire marshal ng Manila-Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 9:52 ng umaga nang magsimula ang sunog sa 22-palapag na hotel sa United Nations Avenue, kanto ng Ma. Orosa Street sa Ermita.

Pasado 11:00 ng tanghali nang itaas sa Task Force Alpha ang sunog, ngunit makalipas ang kalahating oras, o ganap na 11:30 ng umaga, ay itinaas na ito sa Task Force Bravo.

Ayon naman kay Senior Insp. Redentor Alumno, ng Manila Fire Bureau, sa ground floor ng hotel nagsimula ang sunog, at hinihinalang nanggaling sa lugar kung saan may isinasagawang renovation at kaagad na umabot sa casino area.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa tuluyang naaapula ang sunog.

Ayon naman kay Director Jhonny Yu, ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, nakatanggap sila ng impomasyon na nasa 19-20 indibiduwal pa ang naiwan sa loob ng nasusunog na gusali, kaya nagpadala sila ng special rescue team para agad na masagip ang mga pinangangambahang na-trap sa loob ng hotel.

Tinatayang nasa 300 ang guest ng hotel nang mangyari ang sunog.

Nagdulot naman ng pagsisikip ng trapiko ang sunog dahil kinailangang isara ang mga kalsada sa paligid nito, kabilang ang UN Avenue, Ma. Orosa, at T.M. Kalaw Streets, kung saan pumarada ang nasa 90 fire truck.