Iniutos na ng Sandiganbayan na ituloy ang paglilitis sa mga kasong kinakaharap ni dating North Cotabato Rep. Gregorio Ipong kaugnay ng pagkakasangkot umano nito sa “pork barrel” fund scam.

Inilabas ng 3rd Division ng anti-graft court ang kanilang ruling matapos na ibasura ang inihaing motion for reconsideration ni Ipong dahil sa kawalan ng merito.

Nauna nang kinasuhan si Ipong ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act (2 counts), malversation at malversation through falsification, dahil umano sa maanomalyang paggamit sa P9.4-milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007.

Sa record ng kaso, inendorso ni Ipong ang non-government organization (NGO) na Economic and Social Cooperation for Local Development Foundation Inc. (ECOSOC) bilang project partner sa pagpapatupad sa kanyang Integrated Social Development Project sa ikalawang distrito ng North Cotabato.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ini-award umano nito ang P2,820,000 at P6,580,000 sa nasabing NGO, kahit hindi ito accredited at hindi kuwalipikado na humawak ng proyekto.

Nagpalabas na rin ng resolusyon ang korte noong Nobyembre 17, 2017 na nagbabasura sa isinampang motion to quash at nakasaad din na dapat nang ituloy ang paglilitis.

Gayunman, nagharap ito ng motion for reconsideration at binanggit na nilabag umano ng Office of the Ombudsman ang karapatan nito sa due process sa isinagawang preliminary investigation ng kaso. (Czarina Nicole O. Ong)