Ni Kate Louise B. Javier

Bumagsak sa kamay ng awtoridad ang tatlong katao na naaktuhan umanong bumabatak ng ilegal na droga sa loob ng isang hinihinalang drug den, sa buy-bust operation sa Caloocan City, nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni PO1 Juan Miguel Madlangbayan, nagkasa ng operasyon ang Anti-narcotics operatives, sa pangunguna ni Senior Insp. Allan Hernandez, laban sa dating tanod ng Barangay 182 na si Peter John Garcia, sa Acacia Street, dakong 7:30 ng gabi.

Sinasabing nahalata ni Garcia na pulis ang kanyang katransaksiyon, kaya mabilis itong tumakbo papasok sa isa umanong drug den sa lugar kaya hinabol siya ng awtoridad at naaktuhang bumabatak sina Richard Cunanan, 30, tindero; Bernard Caballero, 29, driver; at Evelyn Canlas, 44, helper, pawang ng Caloocan City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagawa namang matakasan ni Garcia ang mga pulis.

Inamin umano nina Cunanan at Caballero na gumagamit sila ng droga subalit mariing itinanggi ni Canlas ang nasabing paratang.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.