1-2 finish kina Oranza at Morales; Army-Bicycology Shop, dumikit sa team championship
TAGAYTAY CITY— Labanang Navymen ang klarong senaryo sa 2018 LBC Ronda Pilipinas.
Nagbunga ang bantayan at alalayan nina red jersey leader Ronald Oranza at two-time defending champion Jan Paul Morales ng Team Navy-Standard Insurance nang magkapanabay na tumawid sa finish line para pagbidahan ang pahirapang Cavite-Batangas Stage 9 kahapon dito.
Parehong naorasan sina Oranza, 25, at Morales, 32, sa limang oras, 47 minuto at 13 segundo para masiguro ang kampeonato sa Team Navy kahit may tatlong stage pa ang nalalabi sa cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay sa kampeon sa 12-stage race na ipinapalagay na premyadong cycling event sa bansa.
Tangan ni Oranza ang kabuuang oras na 26:49:04, halos pitong minuto ang bentahe kay Morales (26:55:56). Kung nanaisin ni Morales na makamit ang immortality sa cycling, malaki ang tsansa niyang agawin ang pedestal kay Oranza.
Ngunit, walang plano si Morales na makamit ang makasaysayang ‘three-peat’.
“Masaya na ako sa runner-up. Taon na ito ni Ronald (Oranza), panahon na na siya naman ang maging kampeon,” pahayag ni Morales.
Gayunman, ayaw pa ring pasiguro ni Oranza.
“Kung sa akin talaga, sa akin ito. Blessing na ito sa akin after nine stages. May tatlo pang natitira, tingin ko hindi pa dapat magdiwang. Sabi nga, hindi pa tapos ang laban hangga’t may karera pa,” sambit ni Oranza, pambatong anak ng Villasis, Pangasinan.
Matikas ang ratsada ng Navy Team, subalit ang indibidwal na talento at determinasyon nina Morales at Oranza ang nagpahiwalay sa kanilang mga karibal para madomina ang tinaguriang “killer stage” na tinatampukan ng mga akyating ruta sa Kaybiang Tunnel na nagdudugtong sa Ternate, Cavite at Nasugbu, Batangas, at Leynes sa Talisay.
Tumapos na pangatlo si George Oconer ng Go for Gold sa tyempong 5:48:23, sapat para maagaw ang No.3 spot sa overall kay Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team. Napanatili naman ni Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology Shop ang No.4, gayundin si Navy’s John Mark Camingao sa No.5.
Bumagsak si Lampawog, 20, sa No.8 mula sa dating No.3 tangan ang kabuuang oras na 27:17:03. Nasa top 10 sina Navy’s Junrey Navarra (27:14:53) at El Joshua Carino (27:16:11), Go for Gold’s Boots Ryan Cayubit (27:19:03) at Navy’s Rudy Roque (27:20:53).
Nanatili sa unahan ang Navymen para sa team classification (105:36:38), habang naagaw ng Army-Bicycology Shop ang No.2 (106:47:43) at bumuntot ang Go for Gold Developmental Team (106:59:19).
Balik kalsada ang mga tinaguriang ‘Road Warriors’ ngayon para sa 147.8km Stage 10.
Magsisimula ang karera sa harapan ng Tagaytay Convention Center at tatawid sa Talisay, Tanauan, Mabini, Cuenca, Alitagtag, Sta. Teresita, Agoncillo, Laurel, Lemery, Balayan at Calaca.
Lalarga ang 92:72km Cayacay-Cayaca Stage 11 sa Sabado at magtatapos sa Stage 12 Criterium sa Linggo sa Filinvest, Alabang.