Ni BETH CAMIA, ulat nina Argyll Cyrus Geducos at Mary Ann Santiago

Matigas na pinaninindigan ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi siya magbibitiw sa puwesto kahit na marami na ang nananawagang gawin niya ito.

Naglabasan ang panawagan ng pagbibitiw ni Aguirre matapos na ibasura ng panel of prosecutors ng DoJ ang reklamo laban kina Peter Lim, Kerwin Espinosa, Peter Co, at sa 16 na iba pa.

Ayon kay Aguirre, kung magbibitiw siya sa puwesto ay mistulang inamin na niya na guilty siya sa isyu.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

‘MAGBIBITIW LANG AKO KUNG…’

Iginiit din ni Aguirre na wala siyang kinalaman sa naging pasya ng National Prosecution Service (NPS) at hindi dumaan sa kanya ang naibasurang drug case na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

“Magbibitiw lang ako sa puwesto kung mapapatunayan na ako ay may pagkakamali sa kontrobersiya, o ‘di kaya ay kung mismong si Pangulong Duterte na ang magsasabi,” pahayag ni Aguirre.

Kaugnay nito, inihayag kahapon ng Malacañang na nananatili pa rin ang tiwala ng Pangulo kay Aguirre bagamat totoong nadismaya si Duterte sa pagkakabasura ng kaso laban sa grupo ni Espinosa.

“He said so [Sinabi ni Pangulong Duterte na tiwala pa rin siya kay Aguirre]. But as I said, while you don’t take the President literally, you must take him seriously,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque.

“He could consider this as a joke and he said it in a rather jokingly manner. But he doesn’t waste words. I think the message is, he’s not happy with the decision,” dagdag ni Roque.

Magugunitang maraming mambabatas ang nadismaya sa naging pasya ng DoJ sa nasabing kaso, at nagmungkahing magbitiw na lang sa puwesto ang kalihim.

SERYOSO BA ANG DRUG WAR?

Mismong si Pangulong Duterte ay nagalit kay Aguirre at nagpahayag ng pagkadismaya sa nangyari.

Dahil dito, hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity, ang gobyerno na patunayang tunay silang kontra sa laban sa pagko-convict sa mga drug lord.

“Kung talagang mapatunayan nila na against sila sa drugs, may mga patunay sila na may mga drug lord na nahuhuli at natitigil ang supply ng drugs,” sinabi ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas. “Seryoso ba sila talaga sa pagtanggal ng droga o ginamit lang nila ang droga pampanakot sa kalaban nila?”