Ni Mary Ann Santiago
Bilang pagkondena sa umano’y pang-aabuso sa mga manggagawa at sa pagpapatuloy ng kontraktuwalisasyon sa bansa, nagkasa ng kilos-protesta ang ilang labor groups sa Mendiola sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Ito ay kasabay na rin ng deadline, kahapon Marso 15, sa paglalabas ng Malacañang ng Executive Order (EO) na nagpapatigil sa kontraktuwalisasyon.
Nagmartsa ang nasa 200 miyembro ng Kilusang Mayo Uno at Nagkaisa Labor Coalition sa Moryata patungong Mendiola, bitbit ang mga placard at banner na may nakalagay na “stop workers exploitation at regular jobs not contractual”, bandang 9:00 ng umaga.
Ayon sa nasabing mga grupo, “kalbaryo” para sa mga manggagawa ang kabiguan ng administrasyong Duterte na pirmahan ang executive order na nagpapatigil sa kontraktuwalisasyon.
Dismayado ang grupo na natapos na ang deadline ng Malacañang sa paglalabas ng EO, ngunit wala pa ring malinaw na aksiyon laban sa kontraktuwalisasyon.