Ni LYKA MANALO

BATANGAS CITY, Batangas – Naputol ang kanang paa ng isang babaeng Grade 12 student matapos mabangga ng isang pampasaherong jeep na nasangkot sa karambola ng tatlo pang sasakyan sa Batangas City, nitong Martes ng hapon.

Nilalapatan pa ng lunas sa Batangas City Medical Center si Realyn Macaraig, 17, ng Barangay Kumintang Ibaba, Batangas City.

Nasugatan naman ang pasahero ng jeep (DXW-801) na si Maria Virginia Sison, marketing officer, na isinugod din sa ospital.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kaagad namang naaresto ang driver ng jeep na si Rodolfo De Castro, 55 anyos.

Nakatayo lamang si Macaraig sa ilalim ng isang footbridge nang mabangga ng jeep.

Paliwanag ni Supt. Wildemar Tiu, hepe ng Batangas City Police, dakong 4:45 ng hapon at binabagtas ng jeep ang Hilltop Road sa Bgy. Kumintang Ibaba nang mawalan ng preno at unang bumangga sa Toyota Fortuner (ABL-444), na sinasakyan ni Atty. Gloria Petallo, provincial supervisor ng Commission on Elections (Comelec) ng Batangas City, at minamaneho ni German Javier, 49 anyos.

Nadamay din sa aksidente ang motorsiklo, na minamaneho ni Jaden Katrine Francisco, 21, gayundin ang owner type-jeep (DGZ-612) na minamaneho ni Enrique Dequito, 76 anyos.

Ang nasabing mga sasakyan ay nakahinto matapos maipit sa traffic sa harap ng University of Batangas (UB) nang maganap ang insidente.

Kaugnay nito, nangako ng tulong-pinansiyal ang pamahalaang lungsod sa pamilya ni Macaraig.