Ni Jun Fabon

Nadakip ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang dating pulis sa anti-criminality campaign sa lungsod, iniulat kahapon.

Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si dating Police Officer 3 Alfredo Mabutol, Jr. y Britana, 43, ng Barangay Laloma, Quezon City.

Ayon kay Eleazar, si PO3 Mabutol ay tinaguriang No. 1 most wanted sa kanilang distrito at Top 1 drug personality sa Laloma Police Station 1, na unang sinibak sa serbisyo dahil sa patung- patong na kasong criminal at administratibo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inaresto si Mabutol ng mga elemento ng District Special Operation Unit (DSOU), sa pamumuno ni Supt. Rogarth Campo, District Intelligence Division at mga operatiba ng Laloma Police-Station1 sa buy-bust operation sa Calavite Street, Bgys. Salvacion at San Jose, Laloma, bandang 7:50 ng umaga.

Napag-alaman na may apat na warrant of arrest ang suspek mula sa QC Regional Trial Court (RTC) at ibang siyudad sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng kasong robbery, extortion, illegal drugs at iba pa.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas ang suspek sa DSOU habang pinoproseso ang paglilipat sa kanya sa QC Jail sa Kamuning, Quezon City.