MAYO 2016 nang isinara ng Thailand ang isa sa mga sikat nitong tourist island attractions – ang Koh Tachai, sinasabing pinakamagandang isla sa Thailand – dahil sinisira ng turismo ang kapaligiran at likas na yamang dito.
“We have to close it to allow the rehabilitation of the environment both on the island and in the sea without being disturbed by tourism activities before the damage is beyond repair,” ayon sa Department of National Parks, Wildlife, and Plants Conservation. Hindi nagtagal, tatlo pang isla sa Phuket — ang Koh Khai Nok, Koh Khai Nui, at Koh Khai Nai – na binibisita ng 4,000 turista kada araw, ay isinara rin sa nasabing dahilan. Muli itong binuksan noong Oktubre, makalipas ang limang buwan.
Hindi nakaapekto sa turismo ng Thailand ang pagpapasara sa mga isla. Ikalawa ang Thailand sa Asya na pinakadinarayo ng mga turistang mula sa iba’t ibang bansa, pangalawa sa China, noong 2016, nang maitala nito ang mahigit 32 milyong pagbisita. Ito ay pumalo sa 35 milyon pagsapit ng 2017. Ang pagpapasara sa ilan nitong tourist attraction noong 2016 ay hindi nakaapekto sa turismo ng bansa.
Nalaman natin ito sa kasagsagan ng ating problema sa Boracay, ang nangungunang tourist destination ngayon sa ating bansa. Ibinabala ni Pangulong Duterte ang pagpapasara sa Boracay na ang problema, aniya, ay naging isang “cesspool” na. Inutusan niya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na linisin ang Boracay sa loob ng anim na buwan.
Lumalabas na mahigit 800 establisyemento ang lumabag sa iba’t ibang patakaran, kabilang ang pagtatayo ng mga pasilidad nang walang building permit, pagpapatakbo nang walang Environmental Compliance Certificates mula sa DENR, at problema sa alkantarilya. Ipinanukala nina Tourism Secretary Wanda Teo at Interior and Local Government Office-in-Charge Eduardo Año ang pagpapasara sa Boracay sa loob ng anim na buwan, ngunit sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na ang pagsilip sa problema sa alkantarilya ay hindi maisasagawa kung sarado ang establisyemento.
Nagpahayag ng suporta si Senate President Aquilino Pimentel III sa pagpapasara sa Boracay habang isinasagawa ang rehabilitasyon, ngunit ang ibang senador, sa pangunguna ni Sen. Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, ay pabor sa pagpapasara sa mga establisyemento at buksan ang iba upang magpatuloy ang operasyon habang isinasailalim sa rehabilitasyon.
Nagpahayag ng pangamba ang ilang mamamayan na maaaring hindi na makaengganyo ang isla sa mga turista dahil sa “cesspool” findings at sa pagpapatuloy ng debate kung isasara ang buong isla o ang bahagi lamang nito.
Ang karanasan ng Thailand, na nagsara ng ilang sikat na isla sa loob ng limang buwan, ay kasiguraduhan na makababangon tayo sa kasalukuyang problema.
Ang mahalaga ay determinado tayong lutasin ang problema— ang sangkatutak na paglabag ng mga gusali, sa kalikasan, at sa iba pang patakaran. Kumpiyansa tayo na pagkatapos ng rehabilitasyon, ang Boracay, na kilala sa buong mundo sa pino at maputing buhangin, sa masasayang aktibidad, sa pagkain, nightlife, at iba pang amenities, ay babangong muli bilang nangungunang tourist destination at ipagmamalaki ng Pilipinas.