Ni NORA CALDERON

NATAWA si Bianca Umali nang humarap sa presscon para sa kanyang grand debut -- gaganapin sa Saturday, March 17 sa EDSA Shangri-La – at may nagtanong kung totoong retokada siya.

BIANCA copy

Lumabas ang intrigang ito nang i-post niya ang kanyang super seksing picture na kuha sa beach sa Sorsogon nang mag-celebrate siya ng birthday last March 2, kasabay ng wedding ng kanyang pinsan doon.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Pinaghirapan ko po ang figure ko,” natawang sagot ni Bianca. “Nagwu-workout po ako para ma-maintan ko ang katawan ko. Mayroon po akong trainor at kasama kong nagti-training sina Miguel (Tanfelix), Rodjun (Cruz) at Marco (Alcaraz). Kahit po ang face ko ay kinukuwestiyon din nila pero lahat po ito ay natural. Wala po akong ipinagagawa.”

Simula nang makilala namin si Bianca noong bata pa siya at nagsisimula pa lamang sa children show na Tropang Pochie, ganyan na kaganda ang mukha niya. Habang nagdadalaga ay lalo siyang gumaganda pati na ang pigura ng katawan niya.

Maging ang ugali niya ay hindi nagbabago, tahimik lang lagi, pero kapag kinausap o ininterbyu mo, isa siya sa mga artistang mahuhusay sumagot, may sense, plus mahusay siyang umarte.

Masaya si Bianca na hindi siya nawawalan ng projects sa GMA. Thankful din siya na hindi sila pinaghihiwalay ng ka-love team niyang si Miguel Tanfelix.

Puring-puri ng televiewers ang mahusay niyang acting sa Kambal Karibal na napapanood gabi-gabi sa primetime ng GMA-7. Awang-awa na sa kanya ang mga manonood dahil wala nang ginawa sa kanya kundi pagalitan, saktan, at paiyakin ng mga kontrabidang si Cheska (Kyline Alcantara) at ng kaluluwa ng kakambal niyang si Crisel (Pauline Mendoza).

Naitanong kay Bianca kung bakit nakakadampot ang kaluluwang si Crisel ng bagay na nakakapanakit sa kanya.

“Kapag po galit na galit siya, nakakahawak siya ng bagay at ipinanakit niya sa akin. Pero sana po ay huwag na kayong bibitiw sa panonood sa amin, dahil marami pang magaganap na pangyayari, like this week nasa bundok kami ng Tanay, Rizal ni Miguel, doon kami nagtatago. Abangan po ninyo kung masusundan kami ni Crisel doon at kung ano ang mangyayari kay Cheska ngayong hindi na nakapasok sa katawan niya ang kaluluwa ni Crisel kaya naghihiganti siya sa akin sa galit niya. Baka po dito ko magawa iyong dream kong role na out of the box.”

Nakakatuwa si Miguel na may pa-countdown sa nalalapit na debut ni Bianca na sinimulan niya nitong nakaraang Linggo sa Sunday Pinasaya nang bigyan niya ng bouquet of white roses. Araw-araw ay may gift siya sa ka-love team.