Ni Orly L. Barcala

Kulungan ang bagsak ng isang 57-anyos na lalaki makaraang ireklamo ng panggagahasa sa kanyang dalagitang manugang na dalawang buwang buntis, sa Navotas City.

Nahaharap sa kasong rape at attempted rape ang suspek na isang obrero, at taga-Barangay Tanza ng nabanggit na lungsod.

Isinailalim naman sa laboratory examination ang 16-anyos na biktima, na nakatakdang sumailalim sa counselling ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa salaysay ng biktima, ginahasa umano siya ng biyenang lalaki nitong Marso 8, pasado 12:00 ng hatinggabi, habang himbing siya sa pagtulog sa loob ng bahay at wala ang anak nito na kanyang live-in partner.

Nagmakaawa umano ang biktima subalit hindi siya pinakinggan ng suspek at pinagbantaan pa.

Sa takot, ipinasya umano ng biktima na manahimik sa nangyari subalit nitong Linggo, dakong 1:00 ng madaling araw, ay sinasabing tinangka muli ng suspek na gahasain ang manugang.

Ginapang umano ng suspek ang biktima kahit katabi sa pagtulog ang kinakasama, dahilan upang magising ang huli na nauwi sa pagpapambuno ng mag-ama kaya hindi natuloy ang panghahalay.

Nakahingi ng tulong ang biyenang babae ng dalagita sa mga pulis at ipinaaresto ang suspek.