Ni Mary Ann Santiago

Tumimbuwang ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kapwa binawian ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na Darwin, 25, may taas na 5’5”; at Oscar, 55, may taas na 5’6”.

Sa ulat ni PO3 Dennis Turla, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET), ng Manila Police District (MPD)-Station 11, sa 72 San Miguel Road sa Binondo, dakong 1:50 ng madaling araw.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Nagsilbing poseur-buyer si PO1 Allan Hilario at bumili ng P1,000 halaga ng shabu sa suspek na si Darwin.

Sa gitna ng transaksiyon, nahalata umano ng suspek na pulis ang kanyang kaharap kaya kumaripas at bumunot ng baril saka binaril si PO1 Hilario, na masuwerteng hindi tinamaan.

Natimbrehan pa ni Darwin ang look out na si Oscar kaya agad itong bumunot ng baril at binaril ang mga pulis, dahilan upang gumanti ang awtoridad at tuluyang bumulagta ang mga suspek.

Isinugod pa sa ospital ang mga suspek, ngunit kapwa hindi umabot nang buhay.

Narekober sa mga suspek ang dalawang caliber .38 revolver; tatlong pakete ng hinihinalang shabu; at P1,000 buy-bust money.