Ni Mary Ann Santiago

Pansamantalang isasara ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang bahagi ng southbound lane ng Roxas Boulevard sa Maynila bukas, Linggo, upang bigyang-daan ang pagdaraos ng 1st Chief PNP Fun Run na ‘Takbo Kontra Droga’, na inaasahang pangungunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Batay sa abiso ng MDTEU, isasara ang southbound lane ng Roxas Blvd., mula sa Katigbak Drive hanggang P. Ocampo Street simula 2:00 ng umaga, para sa fun run na simula 3:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga sa Quirino Parade Ground.

Kaugnay nito, sinabi ni Manila Police District (MPD) spokesman Supt. Erwin Margarejo, hepe rin ng MPD-Public Information Office (PIO), na magpapatupad ang pulisya ng traffic rerouting scheme sa mga apektadong lugar.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Margarejo, lahat ng sasakyan mula sa Bonifacio Drive ay dapat na kumaliwa sa P. Burgos Avenue, habang ang mga magmumula sa Jones, McArthur at Quezon Bridges ay maaaring dumiretso na lang sa Taft Avenue.

Ang mga bibiyahe sa westbound lane ng P. Burgos Avenue ay dapat na kumanan sa Bonifacio Drive, o mag-U-turn sa eastbound lane ng P. Burgos Avenue, habang ang bibiyahe sa westbound lane ng T. M. Kalaw Street patungong Roxas ay pinakakaliwa sa M.H. del Pilar Street.

Ang mga bibiyahe sa westbound lane ng UN Avenue patungong Roxas ay dapat na kumaliwa sa M.H. del Pilar Street o dumaan sa service road, habang ang dadaan sa westbound lane ng Pres. Quirino Avenue na nais dumaan sa southbound lane ng Roxas ay pinakakaliwa sa Adriatico Street.

Ang mga bibiyahe sa westbound lane ng P. Ocampo Street na nais gumamit ng southbound lane ng Roxas ay maaaring kumaliwa sa F.B. Harrison Street, samantalang ang mga patungo at paalis ng Manila Ocean Park/H2O Hotel at Manila Hotel ay maaaring dumaan na lamang sa Katigbak Drive bilang access road.