Ni Mary Ann Santiago

Kamatayan ang sinapit ng isang hinihinalang carjacker matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis nang tangayin nito ang motorsiklo ng isang menor-de-edad sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang hindi pa kilalang suspek na inilarawang nasa edad 40, may taas na 5’4” at may tattoo sa katawan.

Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang engkuwentro sa Delbros, Gate 14, Parola compound sa Tondo, dakong 2:00 ng madaling araw.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon sa biktimang si “Nicole”, 16, minamaneho niya ang kanyang Mio I-125 sa lugar nang dikitan siya ng riding-in-tandem at tutukan ng baril saka binangga ang minamanehong motorsiklo at sapilitan itong tinangay.

Nakahingi ng tulong ang biktima sa isang miyembro ng Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) at dinala siya sa tanggapan ng MPD- Station 2 na agad nagkasa ng dragnet operation, sa pamumuno ni SPO3 Cesario Martin, laban sa mga suspek.

Namataan ang mga suspek at sinita, ngunit sa halip na sumuko ay nagtangkang tumakas at pinaputukan ang awtoridad dahilan upang gumanti si SPO3 Martin at napuruhan ang isa habang nakatakas ang kasabwat nito.

Nabawi ang motorsiklo ng biktima.