Ni MARTIN A. SADONGDONG
INARESTO si Baron Geisler ng mga pulis nang mag-amok at bantaang papatayin ang kanyang bayaw sa Angeles City, Pampanga, kahapon.
Anang pulisya, si Geisler, Baron Frederick von Geisler ang tunay na pangalan, 35, ay inaresto ng mga pulis na nakatanggap ng tawag sa Angeles City Police Station (PS)-3 ng reklamo mula sa kanyang bayaw, si Michael Robin Stone Morales, nasa hustong edad, at negosyante.
Ayon sa report, nagsimulang mag-amok si Geisler, habang may hawak na kutsilyo, at pinagtatadyakan ang gate ng bahay ni Morales sa Barangay Pulung Maragul, Angeles City dakong 3:30 ng hapon.
Noon din ay tumawag sa pulisya si Morales, kaya naaresto si Baron.
Sinampahan siya ng napakaraming reklamo, kabilang ang grave threats, alarm and scandal, at violation of Batas Pambansa Bilang 6 o illegal possession of deadly weapon, ulat ng pulisya.
Nakakulong si Baron ngayon sa Angeles City Police detention facility.
Naganap ang pag-aresto dalawang araw makaraang mag-post si Geisler nitong Sabado sa Instagram ng larawan ng kanyang duguan at pasa-pasang mukha.
Sinabi ni Geisler na binugbog umano siya ni Morales sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga dahil sa problema sa pera.
“What to do? Break in and bugbog by family. Wow. Still forgive them. Pera pera na lang ‘pag alana si mama,” caption ni Geisler sa litrato, na burado na. Pumanaw ang ina ni Geisler noong Enero 2017 dahil sa sakit na cancer.
Nang araw na ipinost ang naturang litrato, itinanggi ni Morales ang mga paratang ni Baron sa Facebook live, at inakusahan na ito umano ang pumasok sa kanilang bahay habang lasing at binabastos ang kanyang asawa at anak, bago naganap ang insidente.
Ang nagtulak sa limitasyon ni Morales, aniya, ay nang magsalita si Geisler sa kanyang anak na babae at magsalita ng “nasty” things, na nauwi sa komprontasyon at suntukan.
Hindi ito ang unang pagkaaresto kay Baron Geisler, na unang lumabas sa telebisyon sa youth television show Ang TV noong 1999.
Noong Oktubre 2017, ayon sa mga report, dinakma rin si Baron nang umano’y mag-amok sa isang resto-bar sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.