Ni Rommel P. Tabbad
Maglulunsad ng kilos-protesta ngayong araw ang grupo ng mga urban poor ng Sitio San Roque, North Triangle, Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City upang hilingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng on-site development sa kanilang lugar na ginawang central business district (CBD) ng lungsod.
Sa panayam kay Ricky Indicio, tagapagsalita ng San Roque Vendors’ Association-Kalipunan ng Damayang Mahihirap (SRVA-Kadamay) San Roque chapter, tinatayang aabot sa 500 miyembro ng grupo ang inaasahang susugod sa Quezon City Hall at National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road, upang humiling ng dayalogo sa mga opisyal nito kaugnay ng iginiit nilang on-site relocation.
Halos 4,000 pamilya ang apektado ng nasabing proyekto ng pamahalaan at ng isang pribadong kumpanya, na pinondohan ng P65 bilyon.
Bukod sa nasabing grupo, inaasahang makikilahok din sa protesta ang Samahan ng Nagkakaisang Kalipunan ng Maralita (Samanaka) upang manawagan din kay Mayor Herbert Bautista at kay NHA General Manager Marcelino Escalada, Jr., na bigyan muna ng permiso ang halos 200 miyembro nito upang makapagpatayo ng pansamantalang masisilungan sa lugar.