Stage three, kinuha ni Army-Bicycology top man Cris Joven
TUGUEGARAO CITY – Ibinigay ni Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology Shop ang pangakong panalo sa pinakamahirap na aspeto ng karera -- 223.5 km.Stage Three – ng 2018 LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagsimula sa Pagudpud at natapos sa harap ng Kapitolyo ng pamosong lungsod dito.
Mula sa petiks na diskarte sa unang dalawang stage na pinagwagihan ni Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance, kumawala sa peloton ang 30-anyos na si Joven at matikas na binagtas ang kahabaang ng kalsadahan ng Ilocos Sur at sa huling hatawan ay nagawang higitan ang lakas ni Ronnilan Quita ng Go for Gold Developmental team at Leonel Dimaano ng Team Franzia para makuha ang panalo sa tyempong limang oras, 39 minuto at 45 segundo.
Naitala nina Quita at Dimaano ang parehong oras para makamit ang ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakasunod sa karera na may naghihintay na P1 milyon sa kampeon sa pagtataguyod ng LBC sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Bunsod ng panalo, lumundag mula sa ika-23 sa No.7 si Joven sa labanan sa individual race tangan ang kabuuang oras na 10:32:53, halos pitong minuto ang layo sa lider.
“Kausap ko yung isang photo journalist, biro ko sa kanya, paghandaang yung kuha ko sa finish line, gandahan niya ang kuha kasi ako ang mananalo. Nagdilang-anghel ako,” pahayag ni Joven, pumuwesto sa ikatlo sa overall sa nakalipas na season.
Kaagad na pinasalamatan ng pambato ng Tobaco, Albay ang kanyang commandant sa Philippine Army na si Brigadier General Roy Devisa at Col. John Divinagracia, gayundin ang kanilang ‘Godfather’ na si Olympian Eric Buhain at business partner John Garcia ng Bicycology Shop.
“Salamat po sa aming mga lider sa Army. Yung laban namin na ito, laban din at alay namin sa aming mga kasama na sumasabak sa laban, lalona sa Marawi City. Kudos din kay Boss Eric (Buhain) at John (Garcia) sa support sa amin para makapaghanda rito,” pahayag ni Joven.
Napanatili naman ni Oranza ang kapit sa liderato kahit na tumapos ng ika-13 sa stage (5:40:28). Tangan niya ang kabuuang oras na 10:25:39, may limang minutong bentahe sa kasanggang Navyman Archie Cardana.
Mananatili sa kanya ang red jersey – simbolo ng liderato – sa pagratsada ng 135.2km Tuguegarao-Isabela Stage Four ngayon.