Ni Angelli Catan

Sa pagdiriwang ng Women’s History Month at International Women’s Month ngayong Marso, naglabas ang Diageo PLC, lumikha ng scotch whiskey na Johnnie Walker, ng limited edition na alak na tinatawag na “Jane Walker”.

Ang kilalang whiskey ay may sikat na logo ng isang lalaking naglalakad at ginawan ito ng babaeng bersiyon ito. Ang pagbabago ay bahagi ng Keep Walking America Campaign ng alak, ayon sa kumpanya.

Human-Interest

State university, naglabas ng pahayag tungkol sa viral post ng estudyante nila

Para sa whiskey, pagpapakita ng suporta sa kababaihan ang nasabing bersiyon pero para sa iba ay isa lamang itong marketing move.

Sa panahon ng social media, lahat ng tao ay may opinyon at isang maling salita lamang ay handang kumuyog ang mga basher. Ito ang nangyari sa interview sa vice president ng kumpanya na si Stephanie Jacoby. Sinabi niya na kaya nila inilabas ang Jane Walker dahil nai-intimidate ang babae pagdating sa scotch. Dahil sa pahayag niyang ito, nagsulputan ang mga kritiko na nagsabing sa halip na isulong ng whiskey brand ang mataas na respeto sa kababaihan ay isinadsad pa ito.

Maraming tao ang agad na naglabas ng kanya-kanyang opinyon sa isyu, lalo na sa Twitter. Agad namang binawi ni Jacoby ang kanyang pahayag, sinabing nagkamali lamang ng intindi ang mga tao at hindi iyon ang gusto niyang iparating. Inakala ng iba na iniba ang formula ng Jane Walker at binawasan ang alcohol level nito para sa mga babae pero hindi ito totoo. Alam ng scotch brand na malaki ang porsiyento ng mga babaeng umiinom ng scotch at umaabot ng halos 30%-40%, ayon sa Forbes.

Gender equality ang hangad ng kumpanya. Gusto nila itong suportahan at bigyan ng importansiya. Maliban sa paglalagay ng babae sa logo ay nasa plano rin ng kumpanya na dagdagan ng hanggang 50% ang mga babaeng empleyado nito.

Sa bawat isang female version ng scotch brand na mabebenta ay magdo-donate ang kumpanya ng $1 sa mga charity organization na sumusuporta sa kababaihan, tulad ng She Should Run at Monumental Women, na parehong nanghihikayat sa kababaihan na bumoto at kumandidato para sa puwesto sa gobyerno.

Maglalabas sa Amerika ng 250,000 bottles ng Jane Walker ngayong Marso at nagkakahalaga ito ng $34 (P1,765). Limited edition ang alak at wala pang balita kung magkakaroon din nito sa ibang bansa.