Ni JUN AGUIRRE
BORACAY ISLAND, Aklan - Pinaiimbestigahan ng pamahalaang panglalawigan ng Aklan ang patuloy na pananatili sa probinsiya ng aabot sa 2,000 illegal aliens.
Sinabi ni Provincial Board Member Nemesio Neron, chairman ng Peace and Order Committee, sa Sanggunian na hihilingin nila sa Bureau of Immigration (BI) na ipaliwanag ang pamamalagi sa lalawigan ng nasabing bilang ng overstaying aliens.
“Napapanahon din ang isyu na ito dahil sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng crackdown ang national government laban sa mga ilegal na istruktura sa isla ng Boracay,” banggit ni Neron.
Inaasahan na rin, aniya, na maisasalang nila ang usapin sa nakatakdang pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan sa isyu sa mga darating na araw bago sila maglabas ng resolusyon.
Karamihan, aniya, sa overstaying aliens ay mga Chinese at South Korean.